Thursday, April 20, 2017

NON-PARTISAN DAW?

panay ang banat sa mga nakaluklok
laging mali na lang ang laman ng tuktok
masama ang loob dahil hindi nanalo ang manok
tapos na ang laban panay pa rin ang mukmok
noong kulay pa nila ang namamayagpag
walang masamang tinapay na nakikita sa hapag
kapag may kinatay hindi sila pumapalag
chill lang sila kahit ang bayan ay nilalaspag

non-partisan daw?
lokohin nyo ang lelang nyo!
lahat naman tayo may kani-kaniyang kampo

maraming nakikita na mga dapat baguhin
noong panahon nila lahat ay tatanggapin
ang proseso noon na di nila pinapansin
nung iba ang gumagamit dapat daw ay ayusin
may mga moralidad pa silang nalalaman
may mas imoral pa ba sa pagnanakaw sa kaban?
ang mali ay mali sinuman ang nasa pamunuan
ang non-partisan kahit sino pwedeng kalaban

non-partisan daw?
lokohin nyo ang lelang nyo!
lahat naman tayo may kani-kaniyang kampo

idol man ngayon hindi na ba pwedeng mapuna
imposible namang tama lahat ang ginagawa niya
lahat nagkakamali, lahat naman ay pumapalya
kung makapag-react akala mo lahat perpekto na
kapag iba ang opinyon yun na ang kulay agad-agad
hindi ba pwedeng pakingggan muna ang mga lumalantad
posts sa social media ang bullying ay sinasagad
title pa lang ang nabasa may conclusion na ang hitad

non-partisan daw?
lokohin nyo ang lelang nyo!
lahat naman tayo may kani-kaniyang kampo

para sa bayan lang daw at sila ay tagapagtanggol
mali daw naman lahat ang mga isyung ipinupukol
hindi raw patas ang atensiyon kaya nagmamaktol
kapag nasukol ang argumento parang asong nauulol
non-partisan? eh ano ang maitatawag niyo dito
kalaban agad kapag may mga nagrereklamo
hindi ba pwedeng malaman kung supporter din ito
na may bitbit na isyung angkop at lehitimo

non-partisan daw?
lokohin nyo ang lelang nyo!
lahat naman tayo may kani-kaniyang kampo

ganito naman talaga, pare-pareho pa rin ang paksa
malalaman ang kulay sa kung ano ang iwinangawa
kaya wag nang mag pretend na akala mo’y nasa gitna
pare-pareho lang tayo na may pinipiling mukha
non-partisan? hanggang ngayon suntok sa buwan
kung mayroon mang natitira malamang ay iilan
ang dating ng mga isyu sa mga mahihilig mag-abang
kahit tama ay mali kapag nanggaling sa kalaban

non-partisan daw?
lokohin nyo ang lelang nyo!
lahat naman tayo may kani-kaniyang kampo

RMP
4/19/2017
Winnipeg MB Canada

No comments:

Post a Comment