Saturday, April 2, 2016

RANDOM #50

Tapos na ang palugit buwagin na ang barikada
Wala nang negosasyon tapusin na ang protesta
Maximum tolerance ay sagad na sagad na
Ihanda ang mga armas itaboy ang mga magsasaka

Truncheons, shields, water cannons hindi ito sapat
Baril at bala ito ang ating ipantatapat
Sagutin ng putok ang ihahagis nilang bato
Sagot tayo ni Hepe siya ang bahala kay Pangulo

Masaker sa Mendiola at Hacienda Luisita
Bala lang ang katapat ng mga raliyista
Walang dapat baguhin sa ating taktika
Bahagi tayo ng hukbo ng mga PASISTA

Sabihin lang sa media na sila ang ang nauna
At sila ay inorganisa ng mga komunista
Ipakita rin natin na tayo man ay sugatan
Sa paggamit ng baril ito ang tamang katwiran

Bigas na hinihingi, pondong kinakailangan
Sagutin ng bala kahit sila pa’y magtakbuhan
Walang awa dati na natin itong ginagawa
Tayo ang berdugo ng magsasaka’t manggagawa

Pag binato daw ng bato batuhin ng tinapay
Ang ipapalit natin ay yung nakamamatay
Sa karahasan tayo hinulma at sinanay
Banatan ang nakaharang kahit taas na mga kamay

4/01/2016
RMP
Winnipeg MB  Canada

No comments:

Post a Comment