Saturday, April 28, 2018

FOOTBRIDGE

Matagal ko nang hinihintay ang araw na ito
Na kayo ay mapadako dito sa ibabaw ko
Hindi ako tinibayan kaya bahala na kayo
Dala kong karma ay matitikman ninyo

Ang laki ng budget kakapurat ang napala
Sa nangyari ngayon eh di tama ang hinala
Tiyempo sa pagtuntong ang pagkakasira
Sa pagkakahulog nag piyesta ang madla

Ok lang sa akin kung kayo ay nalaglag
Kung nasaktan man wala akong nilabag
Kusa akong bumigay dahil hindi nga matatag
Ang pondong para sa akin saan kaya nilaspag

Nung ginagawa pa lang alam ko na mangyayari
Tulad ng ibang mga proyekto uunahin ang sarili
Awarded ang kontrata sa mga galamay at kakampi
Kapag na implement bayan naman ang magsisisi

Kaya pasensiyahan tayo kung ako ay rumesbak
Pinatikim kayo ng infrastructure nyong palpak
Kaya habang turo nang turo at busy sa pagdakdak
Isinama ko na lang kayo sa aking pagbagsak

RMP
4/28/18
Winnipeg MB Canada

No comments:

Post a Comment