Thursday, June 27, 2013

SIMPLE LANG NAMAN

kung ano ang iniisip siyang maaring gawin
kung ano ang binalak siyang sasapitin
kung ano ang inipon siya nating hahakutin
kung ano ang itinanim siya nating aanihin.

simple lang naman ang batas ng kalikasan
kung ano ang pinili siyang kasasapitan
sa bawat kalayaan mayroong nakalaan
biyaya sa tama, pasanin sa kamalian.

kung ano ang isinalin siyang nilalaman
kung ano ang adhikain siyang ipaglalaban
kung ano ang pinaghirapan siyang dapat kabayaran
kung ano ang kasalanan siyang kaparusahan.

simple lang naman ang batas ng Panginoon
kung ano ang pinili siyang maiipon
bawat kalayaan may kasasadlakan
kaligtasan o walang hanggang kamatayan.

kung ano ang puno siyang magiging bunga
kung ano ang isinubo siyang amoy ng hininga
kung ano ang prinsipyo siyang pakikibaka
kung ano ang paniniwala siyang konsensiya.

kaya mamili na, kanan ba o kaliwa
walang kaligtasan sa pananatili sa gitna
dilim o liwanag, init o lamig
sa Diyos ng kamunduhan o sa Diyos ng pag-ibig.

simple lang naman ang mukha ng katotohanan
nasa ating mga kamay ang ating kapalaran
kaya kung ano ang ating ipinunla
huwag pagtakhan anuman ang mapala.

RMP
4-29-00

No comments:

Post a Comment