Thursday, June 27, 2013

YUGTO NG BUHAY

ang punla ay naglakbay sa lagusan ng buhay
at kusang yumakap sa naghihintay na kabiyak
bubuuin ng panahon ang bawat bahagi
aarugain ang buhay sinapupunan ang saksi.

bibilis at dadalas ang bawat paggalaw
simbilis ng takbo ng gabi at araw
hanggang sa dumating ang araw na takda
kaya tinitiyak bawat paghahanda.

bawat yugto ng buhay ay yugto ng digmaan
bawat karanasan armas sa pakikipaglaban.

humihilab ang sakit, madugo at mapanganib
takot ay nakahihigit sa anumang pananabik
pawis, luha at ang sigaw na maririnig
hudyat ng pakikipaglaban mailuwal lang ang iniibig.

at kapalit ng sigaw ay katahimikan
na babasagin ng iyak ng kagalakan
ito ang hudyat sa ikalawang yugto
ang pagpapalakas, ang pagpapalago.

ang pagtitipon ng mga bagong karanasan
upang maging handa sa tutunguhing daan
ang pagtitipon ng lakas nang maihanda puso’t isipan
tungo sa masalimuot na landas ng ating lipunan.

RMP
(December 15, 1998)

No comments:

Post a Comment