sa’yo ang langit, sa amin ang lupa
sa’yo ang ginto, sa amin ang tanso
sa’yo ang tagumpay, sa amin ang siphayo.
ikaw ang tama, kami lagi ang mali
ikaw ang sigurado, kami’y nagbabakasakali
sa’yo ang salita, sa amin ang pakikinig
sa’yo ang kama, sa amin ang banig.
ikaw ay may laya, kami ay walang-wala
ikaw ay mayaman kami nama’y dukha
aso mo’y kumakain, sikmura namin ay bitin
ika’y nasa liwanag, kami’y nasa dilim.
ikaw ang hari, kami ang alipin
sa’yo ang biyaya, sa amin ang pasanin
sa’yo ang koleksiyon, sa amin ang bayarin
sa’yo ang laman, ang buto ay sa amin.
ika’y sa harapan, kami naman sa likuran
pati ba naman sa loob ng simbahan?
sa’yo ang espesyal, sa amin ang regular
pati ba naman binyagan at kasal?
sa’yo ang ani, amin ang pagtatanim
ikaw ang nabubusog, kami ang taga-tikim
sa’yo ang tubo, ang hirap ay sa amin
sa’yo ang milagro, sa amin ang lagim.
sa’yo ang kalabit, sa amin ang tama
sa bawat punglo may ibabaon sa lupa
sa’yo ang halakhak, sa amin ang pagluha
sa’yo ang pananakot, sa’yo ang pagbabanta.
sa’yo ang ngayon, sa amin naman ang bukas
darating din ang panahon ng pag-aaklas
ang lakas mo’y sasagutin ng pinagsama naming lakas
armas mo’y haharapin ng hawak din naming armas.
kami ang alipin, ikaw ang panginoon
babaligtarin namin ang ganitong sitwasyon.
RMP
2007
No comments:
Post a Comment