Thursday, June 27, 2013

SANDIGAN

sa malalim na pagsusuri ganap na malalaman
kung ang isang hangari’y dapat na ipaglaban
ngunit kung laging mananaig ay pag-aalinlanagan
anumang binabalak tiyak walang hahantungan.

kapag puso ang humusga may katahimikan
kapariwaraan nama’y bunga ng kapusukan
di makapal na bulsa at palalong isipan
kundi katapatan ang tunay na sandigan.

katapatan sa sarili ang makapagpapalaya
sa isang damdaming gapos ng tanikala
puso ang sandigan ng tapat na diwa
kaya sa pagtatago walang mapapala.

pag-ibig man sa tao, prinsipyo o Inang bayan
ang ibig itaguyod, ang nais ipaglaban
makakamit lamang ang katagumpayan
kung katotohanan ang gamit na sandigan.

ngunit kung ugaling ahas ang laman ng dibdib
at panlilinlang ang kalaguyo ng isip
kamandag ang lalason sa pag-iisang dibdib
kataksilan ang kikitil sa kalayaang iniibig.

RMP
1993

No comments:

Post a Comment