Thursday, June 27, 2013

PARA BANG KAILAN LANG (Para Kay Mhao)

habang ika’y nahihimbing akin kang pinagmasdan
sabay wika sa sariling,”Para bang kailan lang”,
nang ika’y iluwal, sa mundo ay isilang
parang bang kailan lang … para bang kailan lang …..

kaybilis ng panahon, kayrami ng pagbabago
kaytulin ng takbo nitong ating mundo
para bang kailan lang mga unang halik ko
sa mga mumunti’t murang palad mo.

para bang kailan lang
unti-unti, dahan-dahan.
para bang kailan lang
unti-unti, dahan-dahan.

at pagsapit ng umaga ika'y magigising
mga mata’y magmumulat mula sa pagkakahimbing
samu’t saring mga bagay ang iyong gagawin
para bang kailan lang nang una kang kalungin.

maliit na kay kulit, malungkot pag may sakit
tuwa sa bawat katagang sinasambit
para bang kailan lang unang pagkakalapit
ngayo’y bukambibig na ang tanong na BAKIT.

para bang kailan lang
unti-unting tumatapang
para bang kailan lang
unti-unting lumalaban.

kaya anak humanda saan man paroroon
pagkatao’y huhulmahin ng mga kontradiksiyon
pagkat may panawagan ang bawat panahon
may pakikibaka sa bawat henerasyon.

at ang mga ito ang magmumulat
sa iyong murang kaisipan
ito ang maghahatid sa iyo sa mga sangandaan
kaya sana tunguhin mo ang landas ng katotohanan
kahit na mahirapan, kahit na masaktan.

para bang kailan lang
ngayo’y hanap ang kalayaan.
marating mo sana
ang di namin napuntahan.

RMP
12-10-98

No comments:

Post a Comment