sa mundong kaygulo at salat sa liwanag
ang aming narinig na pangunahing hudyat
na bagama’t munti sa puso’y bumabakat.
ang katawan mong hubad na salat pa sa lakas
ang sa aming paningi’y unang tumambad
sa tagpong ito nasabi namin, “anak,
lumaki ka sanang matwid kahit na buhay ay payak”.
nang aming hawakan mumunti mong mga palad
na walang kamalay-malay sa maaaring maganap
aming panalangi’y sana’y maging sapat
ang taglay mong lakas para sa hinaharap.
magkahalong tuwa’t lungkot ang aming nadama
nang aming pagmasdan ang iyong mga mata
pagkat kahit na nais namin na maimulat ka
may mga bagay na hindi mo sana dapat makita.
subalit katotohana’y dapat na harapin
tulad ng umaga pagkatapos ng dilim
tulad ng inakay na aalis sa piling
ng inang ibon upang subukin ang sariling galing.
panahon ay uusad, ang panahon ay darating
na gaganap ka sa ‘yong mga sariling tungkulin
kaya sa bawat hakbang mo aming sisikapin
na maihanda ka sa tamang landasin.
unti-unti, dahan-dahan subalit nararapat
ang paraang gagamitin para sa ‘yong hinaharap
nang matuto kang lumaban kapag may paghihirap
at magpakumbaba kung kaginhawahan ay ganap.
walang pamimilit, walang halong pag-iimbot
pagpapasiya mo’y di huhulmahin sa takot
di ka namin ipagmamaramot
sa halip sa Diyos at bayan ika’y ihahandog.
handog ka ng Maykapal upang pagyamanin
busugin ng pagmamahal wala man sa aming piling
bigyan ng liwanag na gagabay sa dilim
turuan ng tama habang ginagawa namin.
kung mayroon man kaming mga kahilingan
na sa iyong paglaki sana’y magkaroon ng katuparan
ituwid mo anak ang mga kamalian
ng aming salinlahing binulag ng kasalanan.
RMP
(January 1994)
No comments:
Post a Comment