masukal ang kagubatan
masalimuot ang daan
kayrami ng mga hadlang
kaylayo pa ng kabihasnan.
naglalakbay araw at gabi
may humahabol, may sumasaksi
may naririnig, may sinasabi
may itinatapon, may itinatabi.
namimili ang isip
habang napapagod ang dibdib
bakas lagi ang panganib
sa kapaligirang liblib.
hanggang saan aabot ang lakas?
gaano katagal inaasam na bukas?
kailangan bang maging isang pantas
upang matagpuan ang tunay na landas?
lakad! takbo! ‘wag masisindak
gawing sandigan ang gabay na hawak
‘wag katitiwala sa ginagalugad
tandaan sa gubat maraming makamandag.
pag nadapa …….. bumangon!
pag nahulog ……. umahon!
‘wag nang magpalingon-lingon
nang di maaksaya hawak na panahon.
magkakasama tayo sa paglalakbay
iisa ang hangarin, iisa ang palagay
bigkis ang damdamin habang kapit –kamay
iisang hangarin ang tinataglay.
walang hanggang kapayapaan
para sa buong sanlibutan
pag-asang tunay sa kabihasnan
na katotohanan ang siyang nasa luklukan.
RMP
1994
No comments:
Post a Comment