Sunday, July 7, 2013

TULOY ANG BYAHE

malakas man ang ulan
o matindi ang sikat ng araw
maluwag man ang trapiko
o kahit halos di ito gumagalaw
di magsasawa
kahit katawan ay pagod
tuloy ang byahe
kailangang kumayod

tapak sa clutch
hawak sa kambiyo
tapak sa silinyador
tapak sa preno
mata sa kalsada
lingon sa kaliwa, likod at kanan
pasahero’y ihahatid
sa kanilang pupuntahan

tuloy ang byahe
tuloy ang buhay
kailangang kumayod
may pamilyang naghihintay

makulit na pasahero
enforcers na pasaway
boundary nababawasan
pag kailangang maglagay
pag minamalas
holdaper maisasakay
manlilimas sa loob
sa kaso’y madadamay

tagaktak ang pawis
habang binibilang
kinita sa maghapon
o kaya’y sa magdamagan
pipikit ng sandali
at mananalangin
magpapasalamat
sa biyayang dumating

tuloy ang byahe
tuloy ang buhay
kailangang kumayod
may pamilyang naghihintay

tuloy ang kayod
tuloy ang pasada
tuloy ang ikot
ng gulong at manibela
tuloy ang byahe
tuloy ang buhay
sana’y dumating
pag-asang hinihintay

tuloy ang byahe
tuloy ang buhay
kailangang kumayod
may pamilyang naghihintay

RMP
7/5/2013

No comments:

Post a Comment