Sunday, July 14, 2013

MITSA (Isang Pagsubok sa Pagsusulat ng Rap)

Ako'y karaniwang nilalang
Pilipino, makabayan, sa Diyos ay gumagalang
Di ko tinatanggi mga kasalanan
Kaya sana ako‘y inyong maintindihan
Kaya makinig at kayo’y mag-isip
Sa bawat katagang inyong maririnig
Sarili’y suriin habang nakikinig
Kung tinatamaan tibayan ang dibdib
Kung hindi naman kayo'y magpatuloy
Sa magandang gawang inyong inaabuloy
Wag nang magtangka na magpalaboy-laboy
At baka mahulog pa kayo sa kumunoy

Mitsa ng dinamita
Na magpapasabog
Sa katahimikang
Diyos ang may handog
Mitsa ng kasalanan
Mitsa ng kabaliwan
Ng mga taong
Makasarili't gahaman

Ikaw, ako tayo mga kapatid
Ay mga mitsa na maaaring maghasik
Ng takot, ng galit, kapariwaraan
Sa ating paligid o sa kaninuman
Ang iba sa atin ay maaaring kaaway
Ng kalikasan, nilang mga nabubuhay
Sa dagat, sa ilog, parang at bundok
Sa kabayanan, lalawigan at lunsod
Walang paggalang sa kapwa nilalang
Na nais manahimik sa simpleng buhay lang
Walang pakundangan, walang pakialam
Tanging sarili ang inaalagaan

Mitsa ng dinamita
Na magpapasabog
Sa katahimikang
Diyos ang may handog
Mitsa ng kasalanan
Mitsa ng kabaliwan
Ng mga taong
Makasarili't gahaman

Ang iba naman ay nasa tuktok
Mga lider na sa poder nakaluklok
Na sa halip maghagis ay panay ang dakot
Lamon, lunok, talagang sobrang hayok
Mayaman na gustong magpayaman pa
Sobrang dayukdok halang ang kaluluwa
Anino ng demonyo bakas sa pagkatao
Mga nilalang na dala ay dilubyo
Karapatang pantao ay nilalabag
Mga otoridad na hindi binabagabag
Ng konsensiya pagkat ito’y naglaho na
Buhay pa pero sunog na ang kaluluwa

Mitsa ng dinamita
Na magpapasabog
Sa katahimikang
Diyos ang may handog
Mitsa ng kasalanan
Mitsa ng kabaliwan
Ng mga taong
Makasarili't gahaman

Kahit pangkaraniwang mga nilalang
Ay nagiging mitsa rin ng kabaliwan
Nagpapagamit at nangwawasak
Makaangat lamang kahit gumapang pa sa lusak
Perhuwisyo numero uno sa pagkakalat
Pag nabigo gustong isama ang lahat
O ano ba itong mga nagaganap
Pati mga relihiyon nagsisipagpanggap
Animo mga banal kung magsipagdasal
Ngunit ang katauha’y daig pa ang hangal
Pati Diyos ginagamit, pati ang gintong aral
Upang makakolekta ng perang sandamukal

Mayaman, mahirap, maliit man o malaki
Walang hahantungan pag tanging sarili
Ang inisip at binigyang halaga
Pag iniisip ay bahala ako, bahala ka
Mga nananamantala sa kahinaan ng iba
Sigurista, oportunista walang inaalala
Tsismis, droga, mga pandaraya
Pananakit, pagpatay mga paninira
Responsibilidad wag sanang takasan
Tanggapin, harapin mga kasalanan
Wag magtago at pilit na labanan
Ang batas, ang parusa ng katotohanan

Mitsa ng dinamita
Na magpapasabog
Sa katahimikang
Diyos ang may handog
Mitsa ng kasalanan
Mitsa ng kabaliwan
Ng mga taong
Makasarili't gahaman

Ikaw, ako tayo mga kapatid
Ay mga mitsa na maaaring maghasik
Ng takot, ng galit at kapariwaraan
Sa ating paligid o kaninuman
Kaya ating isipin at pakasiguruhin
Ang ating prinsipyo, ang ating damdamin
Wag ang anyo na nasa salamin
Ang pagbatayan kundi ang laman ng puso natin
Ating alamin anong uri ng panlasa
Mayroon tayo pagkat yan ay mahalaga
Ang katotohanan dapat na ipakita
ang laman ng bibig siyang amoy ng hininga.

Kayrami nang huwad wag nang padagdag
Kayrami nang baliw wag nang magsitulad
Kayrami nang taksil wag nang magpanggap
Kayrami nang salarin wag nang pakaladkad

Break it down! Peace!

RMP
7/14/2013

No comments:

Post a Comment