Sa ilan ay ‘achievement’ sa iba naman ay kargo
Lumalapad, lumalaki, kadalasan ay lumulobo
Bumabagal, bumibigat, umiinit lagi ang ulo
Maraming pagbabago sa loob at labas ng katawan
Dumadalas na rin ang dalaw sa mga pagamutan
Marami na ang bawal mukhang di na nga mabilang
Kaya kapag nakakita ng taba lalong natatakam
Bawat ‘lab exam’ ay ‘paranoia’ ang hatid
Alin kaya ang mas marami ‘negative o positive’?
‘Psychosomatic’ dahil sa laging pag-iisip
Tumataas na ‘BP’ nakapaninikip ng dibdib
Habol na hininga at nangangalos na tuhod
Sa bawat pagkayod mas dumadalas ang tukod
Hirap na nga bago makarating sa tuktok
‘Maintenance’ pa ang sagot kapag nananakit ang batok
Singkwenta, wag mataranta
Bilang lang yan kaya pang rumatsada
Kung “at risk” ka na pwedeng mabago pa
‘Lifestyle change’ hanggang may oras pa
Buhok na numinipis, tuktok na lumilitaw
Lumalapad na noo, matang bawas na ang linaw
Gasgas na lalamunan kahit sa munting pagsigaw
Bumabagal ang paa pero bumibilis ang mga araw
‘Stress’ sa trabaho nadadala pati sa bahay
Para ma ‘relieve’ pausok ng yosi at “kampai”
Kung bitin sa loob may barkadang naghihintay
Tuloy ang ligaya lumagok ng sabay sabay
Mas maraming naiipon kaysa sa nasusunog
Kulang sa paggalaw mas madalas ang panonood
Kung hindi kulang ay sobra naman sa tulog
Kaya sa konting akyat lang madaling napapagod
Nagiging mainipin at umiikli ang pasensiya
Lalo na kung ang pantalon ay hindi na nagkakasya
Magaling na ‘critic’ pero ayaw na makontra
Ganito siguro talaga kapag nag singkwenta na
Singkwenta, wag mataranta
Bilang lang yan kaya pang rumatsada
Kung “at risk” ka na pwedeng mabago pa
‘Lifestyle change’ hanggang may oras pa
Di natin mapipigilan ang takbo ng panahon
Dadaan ang mga araw, buwan at mga taon
Ngunit kung mas makabuluhan bawat pagkakataon
Mas magagandang mga alaala ang ating maiipon
Mahirap magkasakit lalo na kung gipit
Kung kani-kanino tayo mapipilitang lumapit
Kaya habang kaya pa ng katawan at pag-iisip
Ano ba ang masama kung tayo ay maging ‘fit’?
Singkwenta, wag mataranta
Bilang lang yan kaya pang rumatsada
Kung “at risk” ka na pwedeng mabago pa
‘Lifestyle change’ hanggang may oras pa
RMP
10/29/17
Winnipeg MB Canada
No comments:
Post a Comment