Sunday, October 22, 2017

LANGOY, SIKAD, TAKBO

Madilim pa lang handa nang lumarga
Naghihintay na ang tubig pati ang kalsada
Panlangoy, pantakbo pati ang bisikleta
Ngayon na ang laban simula na ng arangkada

Buo na ang isip at handa na ang katawan
Kahit may kaba tuloy na ang bakbakan
Mainit man o malamig, maaraw man o maulan
Isang taimtim na dasal sabak na sa paglaban

Langoy, sikad, takbo
Wag titigil hanggang sa dulo
Labang inumpisahan ay matatapos ko

Naninigas na kalamnan at tuyot na lalamunan
Nilalakbay na kalsada parang walang katapusan
Habol ang hininga lumalayo ang mga pagitan
Kahit sa mumunting galaw ramdam ang kapaguran

Subalit tuloy lang kahit nahihirapan pa
Babawi ng lakas kapag dulo ay malapit na
Buhos na kung buhos arya na kung arya
Tatapusin ang karera kahit distansiya’y milya milya

Langoy, sikad, takbo
Wag titigil hanggang sa dulo
Labang inumpisahan ay matatapos ko

Patag, tarik, lupa man o konkreto
Ahon, lusong at kurbadang delikado
Mahirap man gawin kumpleto ang rekado
Kunsuwelo na lamang medalya at papremyo

Langoy, sikad, takbo
Wag titigil hanggang sa dulo
Labang inumpisahan ay matatapos ko

Langoy, sikad, takbo
Wag titigil hanggang sa dulo
Labang inumpisahan ay matatapos mo

RMP
10/21/2017
Winnipeg MB Canada


No comments:

Post a Comment