Dahil sa surplus value mababa ang sweldo
Sobra daw ang supply kaya kontraktwal sa trabaho
Ginigipit, hinaharass kapag nagrereklamo
Kapag lider na palaban binabaril sa ulo
Mga kontribusyong hindi nareremit
Wala tuloy magamit kapag nagkasakit
Delay na sweldo o minsan ay talagang iniipit
Kung gustong ma promote humanda sa kapalit
Paikot-ikot, pabalik-balik lang
Patuloy ang kontradiksiyon sa mga pagawaan
Sa regularization marami pa ring hadlang
Sahod sa trabaho hindi rin basta madagdagan
Inflationary daw kasi ito ng laging katwiran
Tataas ang cost of production ng mga pagawaan
Eh sa surplus labor pa lang malaki na ang tubo
Sa oras pa lang malaki na ang nagogoyo
Dahil walang benefits ay nagkakamal pa lalo
Ang mga may-ari mas malaki ang naitatago
Paikot-ikot, pabalik-balik lang
Patuloy ang kontradiksiyon sa mga pagawaan
Kapag may nagbulong na magtatayo ng unyon
Ang namamahala ay magtitipon ng kampon
Magpapatawag ng moro-morong eleksiyon
Mananalo ang mga taksil na laging nag mimiron
Minimum wage laban sa cost of living sa Pinas
Antas ng buhay ng manggagawa kailan pa tataas
Idagdag pa natin ang mga buwis na kinakaltas
Sa halip na bumalik patuloy pa ring winawaldas
Paikot-ikot, pabalik-balik lang
Patuloy ang kontradiksiyon sa mga pagawaan
Patuloy ang panawagan kahit hindi labor day
Dahil tuloy pa rin ang more work at lesser pay
Sabi nga sa Ingles that at the end of the day
Ang mga isyung nabanggit di dapat dina downplay
So sapat na ba ang tula at mensahe ng pakikiisa
May naipost na sa timeline kaya mukhang ayos na
Sumama sa rali at sumigaw ng “manggagawa magkaisa!”
Bago kumilos alamin muna ang ugat ng problema
Paikot-ikot, pabalik-balik lang
Patuloy ang kontradiksiyon sa mga pagawaan
RMP
4/30/2017
Winnipeg MB Canada
No comments:
Post a Comment