Monday, March 6, 2017

TIRADA

"Kung ang isinalubong sa iyong pagdating ay masayang mukha't may pakitang giliw, lalong pagkaingata't kaaway na lihim, siyang isaisip na babakahin.” Francisco Balagtas

Sarap paglaruan ng mga kataga
Di mawawala ang pananabik sa pagbuo ng tula
Bawat linya, bawat banat parang baril na rumaratrat
Simulan na ang tirada tama na ang satsat
Tamaan na kung tamaan ang mga nagyayabang
Matataas ang lipad wala namang napatunayan
Akala mo mga santo ugali namang bandido
Madidilim na lihim sa isip ay nakakandado

Tapat pag kaharap pag talikod nananaksak
Pag iba ang kausap iba rin ang ipinuputak
Ngakngak nang ngakngak daig pa ang nakalaklak
Kapag sinapian talo pa ang bumabatak
Lalo pang dumadami lalo pang kumakalat
Ang lagim na dulot sakit na lumalaganap
Bumabaha ang agos ng mga mapagpanggap
Pa demure sa labas pero grabe pag tinotopak

Kala mo tahimik ang lutong pag nagmura
Wala kang kamalay malay na sinisiraan ka
Makikitid ang mga isip na nabubuhay sa inggit
Daig pa ang mga limatik kung makasipsip ang lintik

Nagkalat sa lipunan para lang nasa mga basurahan
Pa amen amen pa ang mga nagbabanal-banalan
Kunwari nakikiramay pero nag-eenjoy naman
Malungkot ang mukha pero isip ay nagbibilang
Mga lihim na sumpa ang iniipon sa dibdib
Walang kaibigan, kamag-anak o kapatid
Basta umatake ang pagiging ganid
Ang mga damdamin ay nagiging manhid

Bato-bato sa langit tamaan wag magagalit
Kung sino ang affected ng mga mensahe kong generic
Medyo basic pero umaabot hanggang sa langit
Guilty ang mag react pagkat katotohana’y masakit
Libangan lang na mayroong kabuluhan
Ang mga kataga laging may pinatutunguhan
Humuhugot, nagpapanday ayon sa mga karanasan
Kung sinuman ang mahiwa wala na akong pakialam

Kala mo tahimik ang lutong pag nagmura
Wala kang kamalay malay na sinisiraan ka
Makikitid ang mga isip na nabubuhay sa inggit
Daig pa ang mga limatik kung makasipsip ang lintik

Mga titik at kataga na naging isang tula
Gamit na pananggalang, sandatang may patama
Minsan naman ay naglalaro lang pag walang magawa
Pag may pumasok sa isip yun ang agad kinakatha
Halo-halo kadalasan naman ay humahango
Sa mga naranasang di na  kaya pang maitago
Lumalawak, lumalalim ang mga bakat sa puso
Isang kathang kumukulo ibubuhos nang may mapaso

Hanggang may salita hindi kailanman matatapos
Hindi naman sikat kaya hindi ako malalaos
Sa pagsusulat hindi maghihikahos
Para lang ulan lagi akong may ibubuhos
Kung para sa inyo ito o kung para kaninuman
Kasama sa gawa ang paghuhulaan
Kung nakasakit man eh pasensya na lang
Blog items ko gusto ko lang madagdagan

Kala mo tahimik ang lutong pag nagmura
Wala kang kamalay malay na sinisiraan ka
Makikitid ang mga isip na nabubuhay sa inggit
Daig pa ang mga limatik kung makasipsip ang lintik

RMP
3/5/2017
Winnipeg MB Canada

No comments:

Post a Comment