Banaag sa sulyap ng iyong mga mata
Mukhang mayroon ka na namang itutumba
Di nababahala ang damdamin ay tiyak
Mga sunod na gagawin sa isipan nakatatak
Lubog sa kumunoy, biktima’y nananaghoy
Kailan ka hihinto sa pagbuga ng apoy?
Sa bawat pagkitil may utang na dugo
Kay kamatayan laging nakikipaglaro
Ang tanong bakit mo ito ginagawa?
Pera pera lang ba o para sa bansa?
Patahimikin ang gustong ngumawa?
O utos lang ni Sir at wala kang magagawa?
Di makatakas sa mga nakaraan
Karahasan lagi mong sinusundan
Lihim na pagkitil ay pinagtatakpan
Eskwala at tingga ang sinasandalan
Sagasa kung sagasa walang pakialam
Pagsabog ng pulbura tyak may titimbuwang
Sentido at dibdib hahanapin ng tingga
Sa isang iglap lang hininga’y mawawala
Ang tanong bakit mo ito ginagawa?
Pera pera lang ba o para sa bansa?
Patahimikin ang gustong ngumawa?
O utos lang ni Sir at wala kang magagawa?
Bakal na dala ang tanging puhunan
Ang mga kontrata wala nang pirmahan
Palihim ang bigay kung may kabayaran
Kailangang ikubli ang pagkakakilanlan
Patuloy ang daloy ng sariwang dugo
Mula sa mga butas na likha ng punglo
Lihim ng pagkatao ay kailangang itago
Sa bawat tirada hindi dapat mabigo
Ang tanong bakit mo ito ginagawa?
Pera pera lang ba o para sa bansa?
Patahimikin ang gustong ngumawa?
O utos lang ni Sir at wala kang magagawa?
Mukhang dadami pa, marami pang susunod
Serbisyo niyo malayo pa sa pagbulusok
Di alintana ng bayan ang alingawngaw ng putok
Kapag adik at kriminal ang mga tinetepok
Collateral damage mukhang katanggap-tanggap
Hustisya sa mga pinatay mukhang di na mahahanap
Kaya mga anino niyo patuloy na lumalaganap
Bilang ng mga naitumba na mukhang hindi pa sapat
Ang tanong bakit mo ito ginagawa?
Pera pera lang ba o para sa bansa?
Patahimikin ang gustong ngumawa?
O utos lang ni Sir at wala kang magagawa?
RMP
3/5/2017
Winnipeg MB Canada
No comments:
Post a Comment