Thursday, January 11, 2018

TULOY LANG

kung marunong lang akong maggitara
nakagawa na sana ako ng maraming kanta
kapag wala kasing himig
parang di kumpleto ang letra
gaya ng buhay ng tao
parang hindi rin kumpleto
kapag hindi mo magawa
mga bagay na gusto mo

mas madali pang tandaan
ang bawat salita
habang idinuduyan
ang mga kataga
ang kahulugan
naglalakbay na kusa
manunuot sa damdamin
sa puso at sa diwa

subalit minsan
hindi na rin kailangan
anumang instrumento
upang maipaalam
ang awit ng buhay
ay papailanlang
lubos man ang pag-ibig
o may halong pagkukulang

tuloy lang ang sulat
kahit walang melodiya
manghihiram ng ritmo
upang medyo sumaya
wala namang problema
kung may mga kulang pa
tuloy lang ang buhay
yan ang mahalaga

tuloy lang ang buhay
may pagkukulang man
ang buhay kasi natin
ay paikot-ikot lang
may mga bagay
na ating mararanasan
meron din namang
hanggang sa tingin na lang

tuloy lang ang pag-iipon
saan man pumaroon
bawat karanasan
ay gagawing pagkakataon
kung hindi pa man
talagang napapanahon
tuloy lang ang pananalig
sa ating Panginoon

RMP
1/7/2018
Winnipeg MB Canada


No comments:

Post a Comment