Wednesday, January 31, 2018

PITO

Kimkim o hayag man kapag naramdaman
May matutumba, mayroong masasaktan
Kapag itinanim sa puso at laging diniligan
Ang bunga ng GALIT ay kapahamakan

Kahit hindi pag-aari pilit pang kinukuha
Patuloy ang kabig hindi kayang magtira
Walang mga kaibigan o kadugo sa kaniya
Dahil sa KASAKIMAN iwinaksi ang konsensiya

Mabagal kumilos at TATAMAD-TAMAD
Laging nauunahan saan man mapadpad
Palaging umaasa mga palad ay nakalahad
Kailangang pang itulak para kusang maglakad

Ayaw papatalo dahil alam daw ang lahat
Sa bawat pagtitipon dapat siya lang ang sikat
MAPAGMATAAS, mga mali ay di tinatanggap
Panay “ako ang magaling” saan man humarap

Laging nakatingin, laging may pinapansin
Kapag kapwa ay umuunlad siya ay napapraning
Ang INGGIT sa dibdib ay palalim nang palalim
Naghahanap ng damay pag problema’y sapin-sapin

May laman pa ang bibig nakatingin na sa hapag
Lamon, lunok, lamon walang tigil ang pag ngasab
Kala mo mauubusan panay panay pa ang dagdag
Dahil sa KATAKAWAN walang hinto ang paglungad

Sa bawat titig may PAGNANASA sa isip
Kahit hindi nararapat mga laman ay umiinit
Namumuo ang kalapastanganan at pakikiapid
Kapag di makapagpigil humahantong sa pamimilit

RMP
1/30/2018
Winnipeg MB Canada





No comments:

Post a Comment