Sunday, October 11, 2015

RANDOM #39

Dahon ay nagpapalit ng kulay at unti unting nalalaglag
Hangin ay lumalamig ang dilim ay lumalaganap
Puso ko’y naninimdim madalas kayong napapangarap
Nais na kayong makapiling damdami’y nababagabag

Subalit di pa panahon tulad din ng mga dahon
Kailangang maghintay kailangan pang mag-ipon
Tipunin mga karanasan sumabay sa ikot ng mundo
Iwaksi muna ang lungkot wag pagapi sa kalendaryo

Tuloy lang ang buhay kailangang magsaya
Lumabas at tumakbo kahit na nag-iisa
Makulimlim man ang nakikita ng mga mata
Bawat umaga hatid ay bagong pag-asa

Lumabas sa aking lungga masdan ang nasa paligid
Mga taong naglalakad may mga ngiting hatid
Magandang sikat ng araw mga ulap sa himpapawid
Ibaling mga paningin tiyak gagaan aking dibdib

Babagsak ang nyebe mamumuti ang paligid
Manunuot sa katawan mas matindi pang lamig
Gaano man kakapal ang suot na mga damit
Wala pa ring hihigit sa init ng inyong pag-ibig

Tuloy lang ang buhay kailangang magsaya
Lumabas at tumakbo kahit na nag-iisa
Makulimlim man ang nakikita ng mga mata
Bawat umaga hatid ay bagong pag-asa

Darating ang tagsibol kasunod ay tag-araw
Makakalaya rin ang damdaming sumisigaw
Makakapiling din kayo at mapapatid ang uhaw
Ang bukang liwayway sabay nating matatanaw

Ang pagkakalayo mas lalong pinaglalapit
Ang mga damdamin dahil sa pananabik
Higpitan pa natin ang ating pagkakakapit
Mararamdaman din natin init ng yakap at halik

Tuloy lang ang buhay kailangang magsaya
Lumabas at tumakbo kahit na nag-iisa
Makulimlim man ang nakikita ng mga mata
Bawat umaga hatid ay bagong pag-asa

RMP
Revised 9/23/2016
Winnipeg MB Canada

No comments:

Post a Comment