Sunday, January 31, 2021

LABAN LANG (EMO RAP)

Maraming bahagi lagi kang may masasagi
Kailangang pumili pero di kailangang magmadali
Huwag patatali kung ramdam mong may mali
Kung kailangang kumalas tiisin mo ang hapdi

Sigurado talagang may madedehado 
Minsan magsisiksikan pag kulang ang espasyo
‘wag masyadong magalak kung ikaw ay liyamado
Minsan ang kapalaran ikaw ay ilalampaso

Asahan mo may mga hahalakhak
Lantad o palihim may mga magagalak
Papalakpak sila kapag ikaw ay pumapalpak
Mali na nga ang kwento andami pang dagdag

Tuloy lang kahit ramdam mo na nasasagad
Pag nadapa bumangon ituloy ang pag-usad
Kahit saan man mayroon talagang manlalaglag
Kaya matuto ka na tumindig at pumalag

Kung hindi na angkop matutong bumukod
Ang pakikisama huwag idadaan sa takot
Kahit nag-iisa maghanda kang pumalaot
Kasama sa sakripisyo ang banta ng paglubog

Laban lang, hayaan mo ang panahon
Mundo ay umiikot may tamang pagkakataon
Kung nahihirapan man sa sitwasyon  mo ngayon
Umasa ka’t di ka pababayaan ng ating Panginoon


Kung kailangang umatras o magpalit ng landas
Gawin mo ito hindi dahil sa ikaw ay patakas
Minsan kailangang mag-ipon muli ng lakas
Upang sumagupa sa mga along humahampas

Buhay ay hindi pantay kaya ikaw ay masanay
Hindi ka ililigtas ng mga opinyon at palagay
Wala ring mangyayari kung laging maghihintay
May mga bagay din na di pwedeng sabay-sabay

Hinay-hinay kung sa tingin mo pagod ka na
‘wag magpakabaliw kung di kaya ng konsensiya
Wag nang magdrama sa halip ay lumarga
Kung bigo sa mga nauna marami pa namang iba

Mahirap magtiwala kaya wag agad maniniwala
Hindi lahat ng makakasama tapat sa pakikibaka
Sila iyong biglang nawawala kapag ikaw ay nadapa
Gagamitin ka lang kapag mayroong mapapala

Manalig at makinig sa tunay na kapanalig
Buksan ang puso at isip sa Diyos ay sumandig
Huwag nang ipilit kung hindi na kayang makamit
Paano makakalaya kung ikaw mismo ang nagtatakip?

Laban lang, hayaan mo ang panahon
Mundo ay umiikot may tamang pagkakataon
Kung nahihirapan man sa sitwasyon  mo ngayon
Umasa ka’t di ka pababayaan ng ating Panginoon

RMP
01-30-21
Winnipeg MB Canada





No comments:

Post a Comment