Monday, October 24, 2016

Yan Ang Pinas!

Tilaok ng mga manok, kahulan ng mga aso
Habulan ng mga pusa, tsismisan doon sa kanto
Away ng kapit-bahay, habulan ng mga bata
Videoke kahit umaga, boses ng mga nagbabalita
Ingay ng traysikel, harurot ng mga jeep
Busina ng mga sasakyang laging sumisingit
Dagundong ng mga bus at silbato ng pulis
Reklamo at mura ng mga taong naiinis

Tindera sa palengke, bili na mga suki
Mga namimiling humihingi ng kanilang mga sukli
Kinakayod na niyog, tinatadtad na karne
Gilingang walang hinto, tinitimplang mga kape
Batingting ng binatog, sigaw ng magtataho
Kalembang ng sorbetero, boses ng mga naglalako
Gumagawa ng payong, bumbay na naniningil
Debate sa  mga umpukang walang katigil tigil

Yan ang Pinas, kaya  wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta
Yan ang Pinas, kaya wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta

Jackpot sa kalsada at masikip na iskinita
Mga sinampay na kahit saan mo makikita
Mga tambay  sa kanto , mga nagpapataya
Minsan may mga naghahabulan pa ng taga
Mga nangangalakal gamit ang mga padyak
Yung iba naman ay bawal ang  itinutulak
Sari-saring babala ang mga  makikita
Bawal umihi dito, bawal magtapon ng basura

Isaw, kwek-kwek, fishballs at mga ihaw-ihaw
Mga turo-turo na laging libre ang sabaw
Banana cue, Kamote cue, lumpia at mga turon
Kapag may umpukan dagsa ang mga miron
Naglalaro sa kanto maraming makikita
Chess, dama, pusoy dos merong nagpepekwa
Habang nagpapadede sa bingo ay bumubola
Sa mga bilyaran may pustahan at delihensiya

Yan ang Pinas, kaya  wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta
Yan ang Pinas, kaya wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta

Maingay, magulo at masalimuot na paligid
Marami ang nagtitiis, marami ang nagagalit
Pagkakaisa mukhang hindi pa rin makakamit
Tunggalian sa pulitika lalo pang humihigpit
Maraming naririnig, marami pa ring nakikita
Tumingin ka lang sa mga posts sa social media
Kahit  ang di pagkakasundo ay nasa micro level na
Mas marami pa rin ang positibong umaasa

May mga ngiti kahit tuloy ang pakikihamok
Mangibang bansa man tuloy pa rin sa pakikilahok
Yan ang Pinas kaya hindi kami magtataka
Lagi siyang nasa isip kahit saan man kami magpunta
Kulang pa ito sa dami ng mga nangyayari
Sa palibot libot at sa mga tabi-tabi
Kayo na ang magdagdag at patuloy na mag-isip
Bawat kibot sa Pinas ay dagdag sa pananabik

Yan ang Pinas, kaya  wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta
Yan ang Pinas, kaya wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta

RMP
10/23/2016
Winnipeg MB Canada


No comments:

Post a Comment