Tuesday, October 25, 2016

BLACK BOX

Mga nagmimirong nakapaligid sa kahon
Pilit na bumubuo ng mga opinyon
Naghihintay ng bawat pagkakataon
Na may masabi at makabuo ng konklusyon

Nagmamatyag, naghihintay, nag-iipon
Kahit di sigurado pwede nang magmarunong
Iwawagayway ang bandilang naghahamon
Kapag mali ang nasagap hindi pa rin itatapon

Haka-haka at mga one-sided na balita
Maganda sa pandinig handa nang tumunganga
Dagdag sa baon may kaunting laman na ang banga
Hindi pa man nasusuri ihahayag na ang paksa

Pabalik-balik, iniipon ang bawat patak
Di pa man napupuno panay panay na ang putak
Habang ipinapakita ano ang itinatagong tatak
Ang may hawak ng kahon panay din ang halakhak

Tagalabas, tagamasid kadalasan ay ginagamit
Ng mga nasa loob na may madilim na pag-iisip
Bawat pangyayari may kanya-kanyang takip
Ang laman ng kahon hindi nila ipapasilip

RMP
10/25/16
Winnipeg MB Canada

RANDOM #68

in a world shaken by strong quakes of distrust
many have found themselves simply biting the dust
realizing this I should know how to adjust
therefore, i run and write because it is a must

RMP
10/24/16
Winnipeg MB Canada

Yan Ang Pinas! Part 2

Unang araw ng Enero unang araw ng taon
Bagong hamon, bagong mga pagkakataon
Tuloy ang pamamasko sa mga ninang at ninong
Ang iba naman extended ang family reunion

Buwan ng  pag-ibig marami ang nananabik
Babaha ng bulaklak at mga dates na romantic
Mag syota , mag-asawa at bawal na pag-ibig
Umiinit ang Pebrero kahit panahon ay malamig

Sa Marso ang pagtatapos sa nakararaming paaralan
Magbibigay saya ito lalo na sa mga magulang
Mabubuong pangarap sa mga hawak na diploma
Better luck next time sa mga hindi makaka martsa

Kuwaresma, bakasyon, Abril na sa Pinas
Resorts destinations Cavite, Laguna at Batangas
Boracay, Puerto, Palawan maraming mapupuntahan
Baguio o Benguet sa mas gustong malamigan

Tayo nang maki pyesta at manood ng parada
Mayo ay makulay kabi-kabila ang mga paliga
Tuloy ang mga outings masaya ang barkada
Kahit maalinsangan tuloy tuloy lang ang saya

Hunyo pasukan na naman
Mainit pa rin kahit simula na ng tag-ulan
Panahon din daw ito ng mga kasalan
Mas matindi na ang trapik sa mga lansangan

Hulyo dadalas na ang mga pag-ulan
Malagkit na pawis dahil maalinsangan
Simula na rin ng mga forecasts sa bagyo
To be continued lang pagdating ng Agosto

Agosto malas daw na buwan
May kasabihang “na Agosto ka na naman?”
Mahirap daw maningil ng mga pautang
Hindi ito totoo! Agosto ang aking kapanganakan

Simula ng ber months simula na ng pasko
Simula na rin ng pagdagsa ng mga bagyo
Tuloy lang ang buhay, school, bahay, trabaho
Pero dapat maging handa sa anumang scenario

Halloween parties at ang trick or treat
Sa katapusan ng Oktubre ito ang mga gimik
Multo sa Balete drive, kwento ng aswang at tiktik
Mga nangangaluluwa na sinasabay ang paninilip

Araw ng mga patay, araw ng mga santo
Mga tao ay dadagsa sa mga sementeryo
Taunang tradisyon kapag Nobyembre ay sumapit
Namayapa at mga buhay muling magkakalapit

Ang pinakahihintay na buwan ng taon
Buwan ng kapanganakan ng ating Panginoon
Payak man o engrande ang mga selebrasyon
Mensahe ng Disyembre ay laging napapanahon

Yan ang Pinas sa buong taon
Maraming alaala ang laging naiipon
Yan ang Pinas sa buong taon
Masaya kahit sa pagsubok ay baon

Yan ang Pinas puno pa rin ng pag-asa
Maraming pagkakataon para laging magkaisa
Kung hindi nga lang sana sa maruming pulitika
Mas higit na marami pa ang magiging masaya

RMP
10/24/16
Winnipeg MB Canada


Monday, October 24, 2016

Yan Ang Pinas!

Tilaok ng mga manok, kahulan ng mga aso
Habulan ng mga pusa, tsismisan doon sa kanto
Away ng kapit-bahay, habulan ng mga bata
Videoke kahit umaga, boses ng mga nagbabalita
Ingay ng traysikel, harurot ng mga jeep
Busina ng mga sasakyang laging sumisingit
Dagundong ng mga bus at silbato ng pulis
Reklamo at mura ng mga taong naiinis

Tindera sa palengke, bili na mga suki
Mga namimiling humihingi ng kanilang mga sukli
Kinakayod na niyog, tinatadtad na karne
Gilingang walang hinto, tinitimplang mga kape
Batingting ng binatog, sigaw ng magtataho
Kalembang ng sorbetero, boses ng mga naglalako
Gumagawa ng payong, bumbay na naniningil
Debate sa  mga umpukang walang katigil tigil

Yan ang Pinas, kaya  wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta
Yan ang Pinas, kaya wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta

Jackpot sa kalsada at masikip na iskinita
Mga sinampay na kahit saan mo makikita
Mga tambay  sa kanto , mga nagpapataya
Minsan may mga naghahabulan pa ng taga
Mga nangangalakal gamit ang mga padyak
Yung iba naman ay bawal ang  itinutulak
Sari-saring babala ang mga  makikita
Bawal umihi dito, bawal magtapon ng basura

Isaw, kwek-kwek, fishballs at mga ihaw-ihaw
Mga turo-turo na laging libre ang sabaw
Banana cue, Kamote cue, lumpia at mga turon
Kapag may umpukan dagsa ang mga miron
Naglalaro sa kanto maraming makikita
Chess, dama, pusoy dos merong nagpepekwa
Habang nagpapadede sa bingo ay bumubola
Sa mga bilyaran may pustahan at delihensiya

Yan ang Pinas, kaya  wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta
Yan ang Pinas, kaya wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta

Maingay, magulo at masalimuot na paligid
Marami ang nagtitiis, marami ang nagagalit
Pagkakaisa mukhang hindi pa rin makakamit
Tunggalian sa pulitika lalo pang humihigpit
Maraming naririnig, marami pa ring nakikita
Tumingin ka lang sa mga posts sa social media
Kahit  ang di pagkakasundo ay nasa micro level na
Mas marami pa rin ang positibong umaasa

May mga ngiti kahit tuloy ang pakikihamok
Mangibang bansa man tuloy pa rin sa pakikilahok
Yan ang Pinas kaya hindi kami magtataka
Lagi siyang nasa isip kahit saan man kami magpunta
Kulang pa ito sa dami ng mga nangyayari
Sa palibot libot at sa mga tabi-tabi
Kayo na ang magdagdag at patuloy na mag-isip
Bawat kibot sa Pinas ay dagdag sa pananabik

Yan ang Pinas, kaya  wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta
Yan ang Pinas, kaya wag nang magtaka
Di maalis sa isip kahit saan man magpunta

RMP
10/23/2016
Winnipeg MB Canada