Sunday, September 27, 2015

BUHAY ABROAD

Taglay ang pag-asang makaahon sa hirap
Tayo ay naglakbay bitbit ang pangarap
Handa nating tiisin, handa nating tanggapin
Anumang hamon ang sa ati’y dumating

Bigat ng dibdib pilit na pinagagaan
Upang di mag-alala mga mahal na naiwan
Baon sa puso’y taimtim na mga dasal
Ang lakas na inipon sana ay magtagal

Kaytagal ng oras lalo kapag nagiisa
Tulong ng teknolohiya ay pansamantala
Ang ngiti sa labi sa pagpikit ng mga mata
Kapalit ay lungkot pagdating ng umaga

Pagod man ang diwa kailangang bumangon
Isantabi muna taglay na mga tanong
Kailangang sumulong upang may matipon
Nang hindi maaksaya pinuhunang panahon

Ganito ang kwento ng buhay sa abroad
Kayod kabayan nang mapawi ang lungkot
Ganito ang ikot ng buhay sa abroad
May mga tanong na hindi natin masasagot

Hindi lahat ng kwento ay pare-pareho
Kung may tagumpay mayroon ding siphayo
Pangarap ay nakamit, buhay ay nasira
Kapalit ng pag-angat ay pamilyang nawala

Simpleng buhay nagiging masalimuot
Bumigay sa tukso nang dahil sa lungkot
May mga biktima ng pagsasamantala
Ng malupit na amo pati na ng embahada

Minsan buhay pa ang nagiging kapalit
Ng paghihirap ng ilan nating kapatid
Tagal ng pagkakalayo may dagdag na hagupit
Mahal na hinintay bangkay na nang bumalik

Sa mga mapapalad bigyan nyo ng pahalaga
Yaman at tagumpay na ngayo’y tinatamasa
Huwag din sanang iwaksi sa inyong mga alaala
Ang mga kwento nilang kinapos ang pag-asa

Ganito ang kwento ng buhay sa abroad
Kayod kabayan nang mapawi ang lungkot
Ganito ang ikot ng buhay sa abroad
May mga tanong na hindi natin masasagot

RMP
3/29/2014
Winnipeg, MB Canada

No comments:

Post a Comment