tayo ay naglakbay bitbit ang pangarap
handa nating tiisin, handa nating tanggapin
anumang hamon ang sa ati’y dumating
bigat ng dibdib pilit na pinagagaan
upang di mag-alala mga mahal na naiwan
baon sa puso’y taimtim na mga dasal
ang lakas na inipon sana ay magtagal
kaytagal ng oras lalo kapag nagiisa
tulong ng teknolohiya ay pansamantala
ang ngiti sa labi sa pagpikit ng mga mata
kapalit ay lungkot pagdating ng umaga
pagod man ang diwa kailangang bumangon
isantabi muna taglay na mga tanong
kailangang sumulong upang may matipon
nang hindi maaksaya pinuhunang panahon
ganito ang kwento ng buhay sa abroad
kayod kabayan nang mapawi ang lungkot
ganito ang ikot ng buhay sa abroad
may mga tanong na hindi natin masasagot
hindi lahat ng kwento ay pare-pareho
kung may tagumpay mayroon ding siphayo
pangarap ay nakamit, buhay ay nasira
kapalit ng pag-angat ay pamilyang nawala
simpleng buhay nagiging masalimuot
bumigay sa tukso nang dahil sa lungkot
may mga biktima ng pagsasamantala
ng malupit na amo pati na ng embahada
minsan buhay pa ang nagiging kapalit
ng paghihirap ng ilan nating kapatid
tagal ng pagkakalayo may dagdag na hagupit
mahal na hinintay bangkay na nang bumalik
sa mga mapapalad bigyan nyo ng pahalaga
yaman at tagumpay na ngayo’y tinatamasa
huwag din sanang iwaksi sa inyong mga alaala
ang mga kwento nilang kinapos ang pag-asa
ganito ang kwento ng buhay sa abroad
kayod kabayan nang mapawi ang lungkot
ganito ang ikot ng buhay sa abroad
may mga tanong na hindi natin masasagot
RMP
Revised August 23, 2015
Winnipeg, MB Canada
No comments:
Post a Comment