di pinag-aaralan
kusa na lang dumarating
walang pinipiling panahon
kapag ang diwa ay gising
sa hudyat ng isip
kamay ay gumagalaw
kailangang maisulat
damdaming sumisigaw
nakikita, naririnig
anumang maramdaman
kailangang palayain
kahit na may masasaktan
ang bawat kataga
ay hibla ng katinuan
kailangang maglakbay
ang bawat masaksihan
kaloob o sumpa
ano ba ang takda?
bilanggo ang sarili
sa pagiging malaya
di mapigilan
patuloy ang agos
kapag may nasimulan
tiyak na may matatapos
tangkilikin man
o hindi bigyang pansin
sa laot ng paglaya
may damdaming aanurin
magpapatuloy
hanggang diwa ay mulat
saan man makarating
patuloy ang paglalayag
kaloob man o sumpa
haharapin ang takda
kailangang mabilanggo
bago tuluyang lumaya
kaloob o sumpa
ano ba ang takda?
bilanggo ang sarili
sa pagiging malaya
8/27/2014
11:11 pm
No comments:
Post a Comment